Ginising mo ang diwa kong kaytagal na nahimlay
na ibinurol sa panahong tila dina masulyapan
pinipilit maalala ang bawat nakaraan
subalit tuluyang nag laho na sa karimlan.
Ilang tula pa ba ang aking lilikhain
para ituring na alagad ng sining
sa panahong ngayon na tila di pinapansin
dahil sa makabagong mga gawain.
Diko inaasahang ako'y mapansin
nais ko lamang ipahayag ang damdamin
doon ko ibubuhos laman ng isipan
na nakintal pa mula noong isilang.
Naalala ko pa ang aking unang likhang tula
noong elementarya'y sa kanya ako nagsimula
Dakilang Guro ang tawag ko sa kanya
sa pag kat sa unang baitang siya ay kumalinga.
Sumunod na kathay sa mahal ini-alay
dahil sa kanya iba ang naramdaman.
at tila di mapakali hanggat di maibigay
ang tulang kanyang pinag puyatan.
Maraming tula din ang sumunod na ginawa
hanggang malikha ang paboritong tula
tungkol sa tatay na di daw mapag kalinga
at pinamagatang SUMBAT NG ANAK.
Sa tulang ito ipinahayag
ang damdaming ng isang anak sa ama
na di raw maramdaman ang pag mamahal ng haligi ng dampa
bagkus ang parusa ang naaalala.
Nang maibigay ang tulang ito sa kanyang Ama
labis ang lungkot habang binabasa
at di mapigilang tumulo ang luha
dahil di matanggap ang sumbat ng anak nya.
Kaya't isang tula ang isinagot ng Ama nya
at isinalaysay ang nag daang buhay nila
mula ng mag sama sila ng kanyang asawa
at nag kasumpling ng lima.
Ipinahayag din nya kung paano siya mag kalinga,
mula pa noong sila'y maliliit pang bata
tinuruang lumakad, pati pagbasa at pagsulat
upang sa pagtanday umasenso silang lahat.
Kaya't sa dulo ng tula ay kanyang inilagay
Ngayon nyo sabihin kung ako ay tama
sa pag hihigpit na inyong nadama
ngayon nyo sabihin kung ako ay mali
sa pag aaruga sa inyong kandili.
Nais kong ibahagi ang talentong taglay
na pinag kaloob ng Poong may kapal
lalo na sa mga kabataang kinalimutan ang nakaraan
kaya sa aking blog ito inilagay.
No comments:
Post a Comment