Lahat ng tao ay binigyan ng pagkakataon upang maglakbay sa mundong ito. Bagamat iba’t-ibang klase ang sasakyang itinalaga sa atin dipende sa ating kakayahan, at ibat-ibang ruta ang ating daraanan ay iisa pa rin ang ating patutunguhan.
May mga taong binigyan ng pangdagat na sasakyan upang gamitin nila sa paglalakbay, mayroon din namang pang himpapawid at sa pang lupa. Ngunit ano mang uri ang mga sasakyang ito, ay dumarating sa puntong bumabagal ang takbo dahil sa balakid sa mga daraanan—ang hagupit ng malakas na alon, ang matalim na kidlat at ang baku-bakong daan. May mga manlalakbay na sumusuko kapag naranasan ang mga ganitong sitwasyon, na tila bagang hindi na matatapos ang mga pagsubok na ito kaya’t nahihinto sa pag lalakbay, na sa halip mag patuloy ay nawawalan ng pag-asa. Mayroon din namang mga nagtatagumpay sa mga balakid na ito. Dahil na rin sa paghingi ng tulong mismo sa nagkaloob ng paglalakbay na ito. Mababakas sa mukha nila ang pag-asa at tapang upang ipagpatuloy ang paglalakbay.
May mga tao ring nag aapura sa kanilang paglalakbay at nais nilang makarating sa kanilang destinasyon kaya’t lahat ng paraan ay gagawin upang mapabilis ang kanilang sasakyan. Sapagkat sa kanilang pagkakaunawa ay parang karera ang paglalakbay na ito. Hindi nila nauunawaan na habang mabagal ang pag-usad ay mas higit mong makikita ang ganda ng paligid ng iyong dinaraanan. Kaya nga’t minsa’y may mga manlalakbay na bumababa pa sa kanilang sasakyan upang makitang maigi ang ganda ng paligid at nakikipag daup-palad sa mga taong nakakasalamuha at nagiging kaibigan pa. Di ba’t lahat ng paglalakbay lalo na’t malayo ay may “STOP-OVER” kung saan ang lahat ng mga manlalakbay ay nagpapahinga, kumakain at nakikipag kwentuhan sa kapwa manlalakbay. Dumarating sa puntong napagbabahaginan ang karanasan sa paglalakbay. Kay sarap pakinggan ang mga taong maraming naibabahagi ukol sa kanilang pinag daanan. Bagamat mahirap ang rutang tinahak ay kanila itong nalampasan at pati bawat liko ng kalsada ay bilang at maging pangalan nito.
One way ticket eka nga ang paglalakbay nating ito kaya’t H’wag nating palampasin ang pagkakataong damhin ang ganda ng mga paligid na ating dinaraanan. Ang mga taong ating nakakasama sa ating biyahe na nagpapatatag at nagbibigay kulay sa ating paglalakbay na kung minsan masakit man sa ating kalooban na sila ay ating lisanin ay kinakailangan nating gawin dahil bawat daan ay dumarating sa sugpungan (crossing) na kailangang mag hiwalay upang masunod ang rutang ipinagkaloob sa atin. Ngunit hindi ibig-sabihin hindi na natin sila makikitang muli dahil ang bawat daan bagama’t nag-kakahiwalay ay mag kakarugtong pa rin at iisa ang patutunguhan… ang AMA.